[Opinion] Noncents

Ikaw ba ay isang estudyante? Nag-aaral para sa kinabukasan mo at sa iyong pamilya? Working student ka ba na pilit binabalanse ang pag aaral at ang paghahanap-buhay para matustusan ang pag-aaral at pang araw-araw na kailangan? Or simpleng estudyante na gustong isukli sa magulang ang paghihirap nila sa pagpapalaki ng isang anak?

Kung oo, natanong mo na ba sa sarili mo kung saan ka na naman kukuha ng pang-matrikula? Ilang O.T. na naman ba ang kakailanganin para lang masustentuhan yung pang araw-araw na gastusin at ang pang-tuition mo? O kaya naman kung paano sasabihin sa magulang na enrollment na naman at kailangan na ulit ng pang-tuition? Ito ay iilan lang sa mga katanungan ng isang estudyante na bumabagabag sa kanyang sarili kada simula ng semestre.

Working student ka man o hindi, siguro kahit isang beses natignan mo na ang iyong tuition form at napatanong kung saan napupunta yung binabayad mo. At least sa tuition form, makikita mo yung breakdown kung saan napupunta yung kinita mo nung nag OT ka or yung perang pinaghirapan at binibigay sayo ng magulang mo. Kaya nga humihingi ng resibo para alam mo kung anong binabayaran mo. Hindi ka lang basta-basta bibigay ng pera kasi pinaghirapan mo yun or pinaghirapan ng magulang mo yun. Gusto mong masulit yung binabayad mo kahit papano.

Ngunit, ano na ang nangyari sa budget ng ating bansa? Budget cut dito, budget cut dun. At anung departamento ang binabawasan? Department of Health at Department of Education ang iilan sa mga ‘to. Kung kailan may epidemiya ng tigdas, dengue, at polio, at kinakailangan ng mas maraming pondo para sa kalusugan, eh nabawasan?

Nabawasan din ang DepEd ng pondo na sana’y para sa pampagawa ng libu-libong silid-aralan at para makakuha ng mas maraming guro, ngunit ito’y hindi pinalad at kakaunti lang ang naipatayong silid-aralan. Pati na ang CHED, nabawasan ang pondo para sa libreng edukasyon at tulong pinansyal para sa mga estudyante.

Ang tanong, san kaya ‘to napupunta?
Ito raw ay napupunta lahat sa Opisina ng Presidente para sa Confidential and Intelligence Fund na mahigit sa kalahti ang itinaas nito kumpara sa nakaraang taon. Ito raw ay para sa “securing the nation”.

Sana ay maramdaman natin kung ano man yung gustong ipahiwatig ng “securing the nation”. Kahit na dagdagan pa ang budget para dito, sana hindi masyado maapektuhan ang pangangailangan ng taong bayan sa pagbawas nila ng budget para sa kalusugan at edukasyon. Sapagkat hindi lahat ng tao ay may pera sa pagpapagamot lalo na ngayon pa na may epidemiya. Ang edukasyon ang makakatulong ma-iangat ang estado ng buhay ng isang tao, paano na lamang ang libu-libong kabataan na umaasa sa libreng edukasyon mula sa gobyerno?

Ngayon, estudyante ka man o hindi, nagtatrabaho ka man o hindi, malusog ka man o may sakit, ikaw ay mapapatanong, saan kaya napupunta ang binabayad kong buwis? Sa securing the nation? ■


Author

NINO JORGE AREVALO
Circulations Manager
A.Y. 2019 – 2020

%d bloggers like this: